Every time na tatawid ako ng EDSA hinihintay ko munang mag green yung traffic light. Hindi ako sumasabay sa mga taong tumatawid na pag nakita nilang walang parating na sasakyan kahit hindi pa dapat pwedeng tumawid. Maliban sa sumusunod lamang ako sa simpleng traffic rules, natatakot din akong madisgrasya dahil alam ko walang ibang sisisihin nun kung hindi ang sarili ko. Kasi nga naka red ang traffic light. Meaning, hindi pa pwede. So pagnagkataon na madisgrasya ako wala akong karapatan na sisihin yung driver kasi ako nga naman ang pumiling ilagay ang sarili ko sa alanganin.
Katulad lang yan sa pag-ibig. Alam mo namang hindi pwede bakit mo pa ginagawa? Pag nasaktan ka ba sino sa tingin mo ang may kasalanan nun? Bakit mo naman ilalagay ang sarili mo isang bagay na hindi ka sigurado?
Pero may mga tao talagang handang i-risk ang sarili nila kahit hindi sila sigurado sa mangyayari sa pagtawid nila na yun. Siguro nagmamadali lang sila. Siguro nakisabay lang din sila sa ibang pang tumawid. Siguro kailangan na talaga nilang tumawid.
Nasa sa iyo naman yan kasi. Siguro depende sa prinsipyo mo. Minsan kahit ilang ulit nang nasaktan ang isang tao, pipiliin niya paring itaya ang sarili niya. Kasi at least sinubukan niya.
Pero ako, takot ako. Ayaw ko ng hindi sigurado. Hindi ako ganun katapang katulad ng iba na itataya ang sarili nila sa isang bagay na walang kasiguraduan. Pero hindi ko alam kung hanggang kailan ako mag aantay na mag green ang traffic light bago tumawid.
Malay natin balang araw, bago ako tumawid may nakahawak na sa aking kamay at sabay kaming tatawid kahit hindi pa naka green ang traffic light. Sasabay ako sa kanya kasi alam kong hindi niya hahayaan na masaktan at may mangyari sakin na masama kasi nasa tabi ko siya. Alam kong poprotektahan niya ako. At baka masabihin ko na sa sarili ko na “He’s worth the risk”.